Narito kami ni Girlie sa Scotland ng isang linggo. Inimbita kami para dumalo sa International Adult Learnimg Festival na idinaraos ng SLP, Scotland Learning Partnership. Si Fiona Boucher na director ng SLP ay nakilala ko noong isang taon at siya ang nag-imbita sa amin.
Kahapon, pinalipad niya kami patungo sa Inverness, sa rehiyong tinatawag na “Highlands.” Ito ang rehiyong may pinakamalawak na lupain, pero pinakamaliit na populasyon. Si Julie Simmons, dating taga Australia na doon nakapangasawa at nagtatrabaho ang nag-ayos ng aming mga miting.
Sa aming kwentuhan, nabanggit ni Julie na ang tren na ginamit sa mga sine ng Harry Potter ay ang aktuwal na treng bumibiyahe mula sa Fort William patungong Mallaig. Nabanggit rin sa amin ni Fiona na si J.K. Rowling ay tumira sa Edinburgh para magsulat ng Harry Potter.
“OK lang sa akin kung kumita ng milyon-milyon si J.K. Rowlings,” sabi ni Julie. “May maganda naman siyang nagawa dahil sa Harry Potter. Napakaraming mga bata, laluna mga lalaki, ang muling nagkaroon ng hilig na magbasa ng libro.”
Sabi ko ay ganito rin ang aming karanasan sa aming anak na si Ayen. Tulad ng maraming mga batang lumalaki sa ating panahon, mas mahilig siya sa telebisyon at sine. Pero dahil sa Harry Potter, nagkaroon siya ng interes at disiplinang magbasa ng makakapal na libro.
Nagpatuloy hanggang ngayon ang interes ni Ayen na magbasa ng libro. Ang pagkakaiba lamang ay hindi na kay Harry Potter siya interesado. Tulad ng kanyang mga pinsang tinedyer rin, paborito nila naman ngayon ay ang serye ng “Twilight” tungkol sa pag-ibig ng vampira.
Sabi ni Seth Godin, isang magaling sa marketing, na ang mabisang pagbenta ng produkto at serbosyo ay hindi sa tuwiring pag-aalok nito basta-basta sa mga mamimili. Ang dapat, sabi niya, ay humabi ng kwento tungkol dito sa produkto o serbisyo na siyang mang-aakit sa mamimili para ito ay pansinin, alalahanin, at sa kahuli-hulihan ay bilhin.
Ito ang tawag niyang kapangyarihan ng istorya.
Sa kasalukuyang pulitika sa Pilipinas, patungo sa eleksyon sa 2010, may nangyayaring ganito. Ewan ko kung talagang plano o inisip ng mga nagsusulong kay Noynoy Aquino na kumandidato sa pagka-pangulo, pero ang ginagamit nilang istratehiya ay ang payo ni Seth Godin. Gumagawa sila ng kwento, o kaya ay ginagamit at pinatitingkad ang isang kwentong nandiyan na. Ito ang kwento ng demokrasya at mabuting pamamahala (good governance), na dati ang pinakatampok na sagisag at pinuno ay si Cory Aquino. Ngayon, gusto nilang si Noynoy ang maging bagong bida, kahaliling lider ni Cory.
Kaya hindi ito usapin agad ng kwalipikasyong personal ni Noynoy. Ito ay kung ang kwento ng demokrasya sa pamamagitan ng malinis na halalan at mabuting pamamahala ang magiging pangunahing kwento na siyang mamayani s isip at usapan ng mga mamayan at botante patungo sa 2010. Pag nangyari ito, ang taning hamon na lamang kay Noynoy ay kung siya ay magiging kapani-paniwalang lider o “bida” sa pagpapatuloy ng kwentong ito.
Para sa maraming aktibistang kaibigan ko, hindi masyadong matingkad ang pagpapahalaga kay Noynoy, di lamang dahil sa kanyang pagkatao, kundi higit, dahil hindi kasing halaga sa kanila ng kwentong kinakatawan niya. Bagamat mahalaga ang demokrasya, eleksyon at malinis na pag-gobyerno, ang kwentong mas pinahahalagaha nila ay ang kwento ng pagsulong ng katarungang panlipunan at pagbabago ng lipunan.
Problema lang, mas masalimuot ang mga kwentong ito, at walang tampok na lider o bida. Kaya nasasapawan ng mas simpleng kwento ng demokrasya at eleksyon na may malinaw na pwedeng maging lider at bida.
Ako rin ay mas kiling sa tingin koy mas mahalagang kweto ng panlipunang pagbabago at katarungang panlipunan. Pero tanggap ko na sa mas maraming kababayan natin, ang dominanteng kwento ay ang demokrasya sa pamamagitan ng malinis na eleksyon at gobyernong hindi magnanakaw. Patunay nito ang ispontanyong pagdaloy ng simpatiya, pakikiramay, at pag-asang may halong protesta nang namatay at inilibing si Cory Aquino.
Naisip ko tuloy. Pwede kayang ituring na ang kwentong pagbibidahan ni Noynoy Aquino ay maging parang kwento ni Harry Potter? Pwedeng dito magsimula ang pakikilahok ng kabataang dating walang paki o di interesado sa pulitika at pagbabago.
Malay natin, mula doon, magpapatuloy ang kanilang pagmamalasakit sa bayan at sa lipunan, at maghahanap sila ng mas malalim at makabuluhang kwento at mga lider.
Abangan ang susunod na kabanata.