Plano sana namin ni Girlie na tumawid sa Mindoro kahapon, para dalawin at magdasal sa puntod ng Inay. Pero pinagbawal ng Coast Guard ang mga biyahe ng barko nang panahon ng bagyo, kaya hindi na lang kami tumuloy kahapon, kahit na sumikat na ang araw.
Sa halip ay nagpasiya kaming magdasal sa aming bahay. Nagtulos kami ng kandila, at naglista ng mga pangalan ng mga taong yumao na gusto naming alalahanin at ipanalangin.
Siyempre una sa lahat ang Inay, na kamamatay lamang nitong Pebrero. Talagang hindi pa naghilom ang sugat at kirot tuwing maaala-ala siya. Kasunod ang Tatay, bagamat apat na taon lamang ako nang siya ay pumanaw, kaya kokonti ang aking ala-ala sa kanya. Isinama ko ang Tiyo Villing na siya lamang kapatid ng Inay na namatay na. Ang magkakapatid na Gan (apelyido ng Inay) ay puro mahaba ang buhay. Di tulad ng mga dela Torre; lahat ng mga kapatid ng Tatay, pati na ang kanilang mga asawa, ay “tumawid” na.
Si Girlie ay mas mahaba ang listahan, dahil mas malaki ang kanilang angkan. Higit sa 50 ang kanyang naisulat na mga pangalan – mga lolo at lola sa magkabilang pamilya ng kanyang Nanay at Tatay. Ang Nanay niya ay ulila at iisang anak, kaya karamihan sa listahan ay sa panig ng kaniyang Tatay – sina Tiyo Maryo, Tiyo Carding at Tiya Anita atbp. Ispesyal na pag-aala-ala ni Girlie kay Ave na pinsan at kaibigang matalik.
Mula mga kamag-anak at kaibigan, dumako kami sa mga ng aktibista sa kilusang aming pinaglingkuran, laluna nang panahon ng martial law. Siempre, pinagdasal namin ang halos 200 pangalan na nasa Wall of Remembrance ng Bantayog ng mga Bayani Foundation. Siguro ay 30 porsyento ng mga pangalan ay personal naming kilala.
Mga 30 ring pangalan ang aming idinagdag, na wala sa listahan ng Bantayog, laluna ang mga kasamang kamamatay lamang nitong nakaraang mga taon. Halos lahat sa kanila ay dinalaw namin sa punerarya o kaya ay nakipaglibing kami.
Hindi maiwasang kung mag-isip kami tungkol sa maga yumao, ay mapag-isipan rin at mapag-usapan kung ano nga ba ang aming paniniwala o gustong paniwalaan tungkol sa kanila. Ano nga ba ang ibig sabihin na sila ay “sumakabilang-buhay” na?
Nang kami ay sumimba, pabalik-balik sa isip ko ang ating minanang pananampalataya tungko sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Sino ba naman ang ayaw nito. Pero ano nga ba ito? Ano nga ba ang ating pinanghahawakan sa ating paniwala at pananampalataya tungkol sa buhay na walang hanggan?
Mabuti pa si Girlie. Paminsan-minsan siya ay nakatatanggap ng mga mensahe mula sa mga “tumawid” na, at hinihiling sa kanyang ippabot ito sa kanilang naiwang mahal sa buhay. Pag tinanatong ko siya kung paano ito nangyayari, di rin niya mapaliwanag ng ganap. Pero sabi nga niya, kahit paano, matapos ng mangilan-ngilan na ring pangyayari, may ginawa na siyang “protocol” para malaman kung ang kanyang natatanggap ay di lamang sarili niyang haka-haka,
Para sa akin, siempre simple lang ang sabihing nananatiling buhay ang mga yumao – sa ating ala-ala, at sa mga iniwanan nilang pamana ng kanilang buhay. Pero tungkol sa “kabilang buhay” ang mapapanghawakan ko lamang ay ang sinulat sa Bibliya na ang nakikita natin sa pamamagitan ng pananampalataya ay parang mga larawang “naaaninag sa salamin, na hindi malinaw.” Noong una ko itong nabasa, ako ay nagtaka, dahil malinaw naman ang larawang nakikita sa salamin. Pero may nabasa akong paliwanang na noong sinulat ang Bibliya, ang ginagamit na salamin ay gawa sa pinakintab na metal, kaya di gaanong malinaw.
“Ano ba ang panalangin sa mga yumao sa Latin?” tanong sa akin ni Girlie.
Lucem aeternam dona eis Domine, et lux perpetua luceat eis. Requiescant in pace.