Medyo matagal na ring hindi ako nakapag-blog sa Pilipino.
Siguro dapat lang simulan muli, bilang tugon sa magandang sinimulan ni Pangulong Noynoy ( o PNoy, ayon sa sabi’y gusto n’yang tawag sa kanya). Maganda ang ginawa niyang paggamit ng wikang Pilipino para ipahayag sa bansa ang kanyang unang SONA.
Nasa South Africa ako noong Hulyo 26, dahil may miting ang Global Campaign for Education (GCE) na kinabibilangan ng ENet Philippines. Kahit abala ako sa miting, hindi ko maiwasang sumilip sa aking computer para makabasa ng anumang report tungkol sa SONA. At kasisimula pa lang ng SONA, may natanggap agad akong text: “Parang pari si Noynoy!”
“Bakit kaya?” tanong ko sa sarili. Nang mabasa ko sa internet ang kanyang SONA, naunawaan ko. Ang kanyang unang mensahe ay ang pagpili ng “matuwid na daan” kaysa sa “baluktot na daan.”
Magandang simula. Simple, pero malinaw, ang mensahe.
Tulad ng karamihan sa ating mga kababayan, ako at ang aking pamilya ay bumoto para sa pagbabago. Sa lahat ng mga kandidato, si Noynoy ang tinuring kong kumakatawan ng pagbabago.
Pero dahil matagal-tagal na rin akong aktibista (siguro 45 taon na!), alam ko namang hindi nakasalalay lamang sa isang bagong lider ang pagbabago, gaano man siyang kadesidido at kapani-paniwala. Mabigat ang mga problema natin sa ating lipunan, ant mabigat ang kanyang minanang mga kailangang ayusin, sa loob ng pambansang gobyerno.
Pero napansin ko kahit sa panahon ng kampanya pa lamang, na marami talaga sa ating mga kababayan ang handa pa ring umasang muli, at handa pa ring kumilos muli, para magkaroon ng mas maayos na kalakaran sa ating bayang Pilipinas. Humihingi lang sila ng mga lider na mamumuno sa kanila. Siempre, hindi lamang isang presidente ang kailangan, pero hindi maiwasang ito ang pag-ukulan ng higit na halaga.
Wala pang isa’t kalahating buwan na namumuno si Pangulong Noynoy. Pero hindi maikakailang may mga ginawa siyang desisyon at mga pagpapahayag na nakakapagbigay ng pag-asa na talagang may mga mangyayaring pagbabago sa gobyerno, at sa bayan.
Marami-rami rin namang mga hinirang si PNoy na miyembro ng kanyang kabinete at iba pang mga pambansang ahensiya na sa aking tingin ay matino at may kakayahan. Totoong may ilan ring hindi ako bilib. Pero tanggap ko na ang anumang pambansang gobyerno ay isang “koalisyon” at may iba’t ibang pampulitikang grupo at paksyon na kailangan bigyang puwang ni PNoy.
Abangan pa natin kung sino ang mga susunod na bibigyan ng mahalagang pwesto.
Pero kasabay nito, ang mas gusto kong tutukan ay ang pagbubuo ng mga grupo at samahan ng mga mamayan na handang makipag-ugnayan sa mag ititnuturing nating matitinong opisyales sa gobyerno.
Sa aking karanasan sa maikling panahong ako ay naging director-general ng TESDA, nakita ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga katuwang sa labas ng gobyerno, para maisulong ang mga programa at mga reporma sa loob ng gobyerno.
Kaya kung may mga opisyales at programang sa tingin natin ay bukas sa pagbabago, at tayo ay interesado dito at may kakayahang makialam, mag-inisyatiba tayong humanap ng paraan kung paano makipagtulungan sa kanila.
Dapat lamang na hamunin natin ang mga opisyales ng gobyerno na magpakita ng dahilan para tayo ay umasa sa pagbabago. Pero dapat ring hamunin natina ng ating sarili at kapwa mamamayan na tumaya rin para talagang mangyari ang inaasahan nating mangyari.